Tuesday, March 18, 2008

Daloy ng Pag-aaral

DALOY NG PAG-AARAL

Ang unang kabanata ay tungkol sa panimula ng Kawalan ng tirahan.
Ang ikalawang kabanata ay tungkol sa pagbibigay depinisyon sa Kawalan ng tirahan
Ang ikatlong kabanata ay tungkol sa uri ng mga taong walang tirahan
Ang ika-apat na kabanata ay tungkol sa mga sanhi sa Kawalan ng tirahan
Ang ikalimang kabanata ay tungkol sa epekto ng Kawalan ng tirahan sa ating sosyolidad
Ang ika-anim na kabanata ay tungkol sa oportunidad ng isang taong walang tirahan na kumita at mabuhay
Ang ikapitong kabanata ay tungkol sa mga solusyon sa Kawalan ng tirahan
Ang ikawalong kabanata ay tungkol sa mga resulta ng aming pagsusuring ginawa
Ang ikasiyam na kabanata ay naglalaman ng Sarbey
Ang ikasampung kabanata ay naglalaman ng aming konklusyon sa ginawang pagsusuri
Ang ikalabing-isang kabanata ay naglalaman ng mga larawan na aming kinunan habang kami ay nagsasagawa ng aming pananaliksik

I. Panimula


Kawalan ng tirahan. Isang matinding krisis na kinakaharap ng bansa sa kasalukuyan. Dahilan kung bakit ang ilang mga tao ay napipilitang magpagala-gala sa lansangan. Napipilitang mamuhay sa labas ng bakuran kung saan nakaamba ang masukal at mapanganib na mundo.
Ang pag-aaral naming ito ay naglalayong mabigyan ng atensyon ang mga kababayan nating walang tirahan. Sinaliksik ng proyektong ito ang mga dahilan kung bakit nawalan sila ng tirahan, kung ano ang kanilang paraan ng pamumuhay ngayong wala na silang tirahan at ang mga dulot nito sa atin, sa kapaligiran at sa lipunan.


Nang kami’y nagsagawa ng pangangalap ng mga datos, tinanong namin ang aming mga nakapanayam kung sila ba ay nangangarap o umaasa pa sa pag-asang isang araw ay lalabas sila sa madilim na at nakakatakot na silid ng problema at kahirapan, ang isinagot nila sa amin “ang uwk man ay inuuban din!” kasabay ang isang kiming halakhak ng pinaghalong saya at kalungkutan. Patunay lamang na sa gitna ng kalupitan ng tadhana, hindi pa rin dapat mawalan ng pag-asa. Nais patunayan ng pagsusuring ito kung paano dapat natin tinuturing ang mga taong walang tirahan, na sila ay biktima lamang ng kalupitan ng tadhana, na hindi sila basura ng lipunan kundi mga tao na nangangailangan ng pagrespeto galing sa ibang tao.
Ang pag-aaral na ito ay magmumulat sa ibang tao na masuwerte sila na mayroon silang tinatawag na “bahay at tahanan”. Bahay na nagsisilbing pananggalang laban sa panganib ng kapaligiran at Tahanan kung saan may pag-ibig ng isang tunay na pamilya.

II. Ang Kawalan ng Tirahan


Ang bahay ay ang material na bagay na itinayo upang magkaroon tayo ng proteksyon mula sa mundo sa labas, magkaroon ng pribadong buhay at kaligtasan. Karaniwan na ini-uugnay ang bahay sa tahanan subalit ito ay may kaibahan. Ang tahanan ay ang lugar kung saan ang isang tao ay katanggap tanggap sa kanyang mga kasama. Naririto ang pag-ibig, pagkalinga at pag-aaruga. Ang tirahan ay kung saan makikita ang dalawang ito.


Ang kawalan ng tirahan ay ang sitwasyon kung saan ang isang tao ay walang permanenteng tirahan o lugar na masisilungan kaya pagala-gala lamang sila sa lansangan. Mayroon din namang sitwasyon na dahil sa kulang na pagkalinga ng gobyerno o ‘di kaya’y hindi nakapagtapos ng pag-aaral kaya walang magandang hanap buhay na nakukuha kaya hindi sila makakuha o makarenta ng tirahang maaaring silungan. Ang mga biktima ng problemang ito ay nagkalat sa buong mundo buhat sa iba’t ibang kadahilanan. Natural na kalamidad, problemang politikal, giyera at sakit ang ilan sa mga kadahilanan ng mga ito.

III. Uri ng mga Taong walang Tirahan


A. Mga natutulog sa Lansangan o Pampublikong Lugar
Ang pagtulog sa lansangan ay napakahirap. Kapag nawala ang kanilang trabaho, pati na tirahan at pera, wala na silang mapuntahan. Wala silang magawa at kahit ang kanilang mga kaibigan –ay nakadaragdag pa ng pagkasawi. Sila’y natutulog sa ilalim ng tulay, kalyeng may silong at sa mga karton na nagsisilbing kanilang higaan. May ilang mga ‘di na nagigising sa kanilang pagkatulog sa lansangan. Minsan pa nga’y plastik na lamang ang namamagitan sa kanila at sa kapaligiran, habang sila’y nagpapagala-gala gamit ang paa nilang nakayapak papunta sa kung saan man sila dalhin ng mga ito.
May mangilan-ngilan ang nagsusumikap na makapaghanap buhay kahit pantawid gutom man lang, subalit kadalasan sila’y pinandidirian. Makikita mo na lang sila na nagkakalkal ng basurahan.
Hindi makatarungan ang sinumang mahuling nanlilimos o natutulog sa daan, parke o ano pa mang pampublikong imprastraktura, sa mga gusali at pagawaan. Ngunit, ano nga ba talaga ang kanilang magagawa? Nararapat bang atin silang pagdamutan ng kakarampot na bagay na pinaka kailangan nila?

B. Mga natutulog sa Sasakyan

Ang sasakyan na siyang dapat ay para lamang sa transportasyon ng mga tao ay isa na ding instrumento para maging tirahan ng taong walang matulugan. Dahil nga saw ala silang matirahan, ang ibang sasakyan ang nagsisilbing pansamantalang bubong at haligi ng kanilang tirahan. Tirahan na kung saan kahit papaano’y magkakaroon sia ng pribadong buhay, pag-aari at pag-asa na “umandar sa laban ng buhay” o maging tulad ng sasakyan na mayroong tamang landas na patutunguhan.

C. Mga natutulog sa mga Abandonadong Gusali
Ang ilan sa mga taong walang matirhan ay humahanap ng kanilang matutuluyan sa mga abandonadong lugar. Tulad na lamang sa ilalim ng tulay. Kadalasan doon makikita ang mga taong walang tirahan. Mga pamilyang nagiging magkakaibigan at magkakapit bahay. Kapag nandiyan na ang mga tauhan ng gobyerno, kadalasan ay lumilipat sila sa ibang lugar o mga abandonadong imprastraktura magkaroon lamang ng masisilungan.

IV. Mga Sanhi


IV. MGA SANHI

A.Natural na Kalamidad

1. LINDOL – Ang lindol ay isang pangyayari na bunga ng biglaang pagbulalas ng mga natutulog na enerhiya sa kalatagan ng mundo sa anyo ng “seismic waves”. Sa ibabaw ng daigdig maari rin ito magbunga ng pagkasira ng porma ng kalupaan at “tsunami” na nagsasanhi ng pagkawasak at kamatayan.
Ang mga lindol ay maaring likas o nagmula sa kagagawan ng tao.

MANILA, Philipines (AP) – dalawang malalakas na lindol ang magkasabay na yumanig sa gitnang maynila, ilang oras pa lang ang nakakalipas na sumira ng mga tirahan sa lakas ng pagyanig. Wala namang naiuulat na nasugatan.

Ang pangalawang mas malakas na lindol, na may magnitude na 6.2, ay niyanig ang Pilipinas, 7:01 ng Sabado ng gabi, na sanhi ng Philippine Fault, ang major fault na mula sa Hilagang kabundukan patungo sa Timog, ayon sa Philippine Institute of Vulcanology and Seismology.

Sa sobrang lakas nakuha nitong pataubin ang mga lumang gusali, ayon kay Ishmael Narag, isang Seismologist. Ang unang lindol na may 5.5 magnitude ay nangyari banding 1:47 ng hapon.

Sa Pilipinas, ang pagkawasask ay nasa Masbate, isa sa mga probinsya nito. Ang Masbate ay may 230 milyang layo mula sa Pilipinas.

Ang Office of the Civil Defense ng Maynila ay nag-ulat na ang pangalawang lindol ay napatumba ng isang Muslim Day Care Center, katabi ng isang Mosque sa kapitolyo ng Masbate City. Ang lindol ay sumira din ng mga posteng kuryente na sanhi ng black out.

Ang Pilipinas ay nauupo sa mahigit apat na major faults kung kaya’t natural ang paglindol.


2. PAGGUHO ng Lupa – Ang pagguho ng lupa ay penomenon na kinabibilangan ng malawakang paggalaw ng lupa, pagkahulog ng mga bato, pagbaba ng isang bahagi ng lupa at pagkaanod ng mga piraso ng lupa. Liban sa “gravity” na pangunahing dahilan ng mga pagguho may ilan pang mga salik na nakatutulong dito:

Pagkaguho dahilan sa mga alon o anupamang interaksyon sa mga bahagi ng tubig ay nagdudulot ng mas matataas na mga bangin.
Ang mga bahagi ng mga bato o lupa ay rumurupok dahil sa malakas na ulan.
Ang lindol ay lumilikha ng mga bitak sa lupa na nagiging sanhi ng pagguho.
Ang pagputok ng bulkan ay nagkakalat ng abo, nasasanhi ng malakas na ulan at pagkaanod ng mga piraso ng lupa.
Ang Ground Water Pressure ay nagpapahina sa porma ng lupa.

Mountain Village ng Guinsaugon, naglaho dahilan sa pagguho ng lupa.
Leyte, Ika-17 ng Pebrero, 2006

Nagkaroon na naman ng pagguho ng lupa sa Pilipinas o ang tinatawag na Landslide. Sa Timog Leyte, isang barangay ang nabura sa mapa dahilan dito. Bandang alas 9 hanggang alas 10, ang mga bahay at mga eskwelahan ay napapailalim na sa makapal na lupa na hanggang 10 metro ang lalim. 246 na estudyante at 7 guro ang natabunan makalipas ang ilang mga segundo pa lamang. Nasabing isang bata at isang matandang babae lamang ang nailigtas sa naturang insidente. Mahigit kumulang 1000 katao ang nailibing ng buhay sa Guinsaugon.

3. BAGYO – Ang bagyo ay isang unos na may nagaganap na sirkulasyon ng malakas na hangin. Maraming katawagan sa unos depende sa kanilang kalakasan at lokasyon. Kadalasan ito ay nabubuo sa gitna ng karagatan kung kaya’t mas malaki ang pinsala ng mga nakatira sa baybay-dagat







Ang bagyong si Milenyo na dumating sa Pilipinas ay nagpahinto ng lahat ng Panghimpapawid at Pangdagat na transportasyon. Sinasabing ito ang pinakamalakas na bagyong tumama sa kapuluan.

Mahigit 18 katao ang naireportang namatay sa mga syudad ng Muntinlupa (2), Makati (1) and Legazpi (1), at ang mga probinsya ng Albay (8), Quezon (3) at Antique (3). Labing-isa naman ang nakumpirmang namatay sa mga probinsya ng Calabarzon at apat sa Taytay, Rizal.

PAGLIKAS

Ang kabuuang 833 katao ay inilagak muna 8 klinika sa Calabang, Camarines Sur. 36 na pamilya ay sa Pamplona, 50 sa Gainza at 5 sa Libmanon. Ayon sa Provincial Disaster Coordinating Council, 20 pamilya galing sa baybay-dagat ng Sala, Balete, Batangas ang inilipat sa Balete Church. –isang halimbawa ng ebakwasyon dahilan sa bagyong sumalanta at lumamon sa kanilang bahay at ari-arian.


B. Pagkakaroon ng Di-magandang Kapalaran

1. Hindi nakapagtapos ng Pag-aaral – Alam nating lahat na ang Edukasyon ang isa sa mga susi upang magkaroon tayo ng magandang kinabukasan. Ngunit ang mga taong laki sa hirap at di nakapag-aral ay nagdurusa at walang magawa kundi umasa sa mga taong nakapagtapos at dumaranas ng magandang pamumuhay.

2. Paglaya mula sa Kulungan – Kadalasang ang mga dating bilanggo o mga “ex-convict” ay iniiwasan at nilalayuan ng mga kaibigan at minsan pa’y pati ang mga kapamilya.

3. Pag-abuso sa Droga at Alkohol – Ang mga taong walang permanenteng hanapbuhay at nalulong na sa bisyo ng droga at alkohol ay napapabilang din sa mga taong walang tirahan.

4. Pagtakas sa Pang-aabuso – kasama ang Sekswal, Pisikal at Mental na pang-aabuso: Ang mga biktimang tumatakas sa pang-aabuso ay nahahantong sa kawalan ng tirahan. Ang mga inabusong kabataan ay may maghahatid ulit sa kawalan ng tirahan.

V. Epekto

V. EPEKTO

Ang makakita ng mga taong pagala-gala at walang matirhan ay nakakadurog ng puso. Makikita mo silang nagpupumiglas sa hamon ng buhay at nagsusumikap na matugunan ang mga pangangailangan sa lansangan. Ngunit, ano nga ba ang epekto nito sa atin at sa sosyodad? Sabi ng iba, sila ay buwisit sa negosyo. Sila daw ay dungis sa mukha ng ating bansa.

Totoong sila ay nagpapasikip ng kalye, nakapeperwisyo kung minsan, nakakatakot dahil sa kanilang ayos at potura, minsan pa nga’y atin din silang napagkakatuwaan nang di iniisip na kapwa rin natin sila nilalang. Makikita mo sila sa mga parke na nakahiga at walang saplot sa katawan na maaaring makapagpababa ng negosyo ng bansa sa usapin ng turismo. Ang mga basura na tinatapon sa ilog ng mga taong nasa ilalim ng tulay ay nakakatulong sa pagpapasikip ng daloy ng tubig. Dahil sa sila ay doon tumitira, mas malaki ang porsyento ng basura ang kanilang naidaragdag sa ilog na maaaring magbunga ng isa na naming trahedya. Ang mga nasa kalsada ay nakapagpapasikip ng daan, dulot ay trapiko. Ngunit puro perwisyo lang nga ba ang dulot nila? Ang mga nagtitinda sa mga bangketa, ilan sa kanila ay mga palaboy na nakatutulong sa atin ding mga pangangailangan. Ang mga naglilikod ng mga serbisyong tulad ng paglilinis ng sapatos, paglilinis ng harapan ng ating kotse sa daan, pagiging kargador ng ating mga mabibigat na gamit, hindi ba’t sila ang gumagawa?

Ang mga taong ito ay hindi buwisit o dungis. Sila ay ang mga taong nangangailangan ng ating tulong, pag-unawa at pag-aaruga. Ang mga taong ito ay nangangailangan ng ating atensyon at hindi diskriminasyon.

VI. OPPORTUNIDAD NA KUMITA AT MABUHAY

VI. OPPORTUNIDAD NA KUMITA AT MABUHAY
Sa ating paglalakbay, lagi taong nakakakita ng mga taong tumutugtog as lansangan, sumasayaw, nagpapatawa at ang iba nama’y namamalimos. Ang iba sa kanila’y kapos na kapos pero may mga tirahan. Samantalang karamihan naman ay mga taong walang tahanan at pagala-gala lang sa lansangan. Nagbabakasakali na sa pamamagitan ng mga sumusunod ay makatawid gutom man lang.:

Kalabit-Penge – Ang kalabit-penge o mas kilala sa tawag na panlilimos ay isa sa mga paraan ng mga taong ito upang mabuhay. Mula sa pabarya-baryang ibinibigay ng mga taong may kusang loob ang ginagamit nila na pantawid-gutom.
Ilan sa mga ito ay ang:
· Paghingi sa mga kostumer sa isang tindahan;
· Pagkatok sa mga sasakyan;
· Pangangalabit sa kalye upang manghingi ng barya.


Busking – Ang “busking” ay ang kahit anong pagtatanghal na nakakawili. Maaaring ito ay pagtutugtog, pagpapatawa, pagdadrama at kung anu-ano pa. Ang mga taong ito ay di lamang nagtatanghal upang kumita ng pera. Sila din ay nagtatanghal para sa kasiyahan, makakuha ng atensyon, ipakilala ang sarili at madama ang pagtanggap ng lipunan sa mga tulad nila. Ayon naman sa mga nakapanayam naming mga batang walang tirahan, dahil sa pagtatanghal nila sa kalsada para kumita ay nakakatagpo sila ng mga kaibigang tulad din nila ay walang tirahang mauuwian.

Karagdagan
Ang Busking ay ang masining na pagtatanghal sa mga pampublikong lugar o ang tinatawag na “street theatre”. Pagtatanghal na walang katulad, isang musikerong nagtututog sa ere, mananayaw sa gitna ng daan ang ilan sa mga imaheng naglalaro sa ating isipan sa sandaling marinig natin ang katagang “Busker”. Madalas nagaganap ang mga pagtatanghal sa isang bukas na lugar tulad ng mga kalsada.
Ang mga buskers ay mga extraordinaryong nagsisipagganap. Maraming tagapagtanghal ang nag-uumpisa muna sa pagiging isang busker bago makamit ang totoong nais sa buhay. Mayroong nagtatanghal dahil sa siya’y malaya at kuntento na sa katayuan. Mayroon namang ito talaga ang pinangarap. At mayroon ding nangarap man ng mataas, subalit siya’y pinagkaitan ng kapalaran at nauwi sa pagtatanghal.
Sabi ng mga busker “Wala nang pagod at hirap ang hihigit pa sa aming trabaho. Tiyaga at Pagsisikap ang puhunan makamit lamang ang nakapapawing ngiti ng mga manonood”.