Tuesday, March 18, 2008

JERIC OCAMPO

Isa siyang masayahing bata na nakita namin pagkatapos naming kumain ng tanghalian. Pansin na pansin mo sa kanya na napakamasayahin niyang bata parang hindi niya inaalintana ang hirap na kanyang dinaranas. Isa siya sa mga batang wala nang tahanang masilungan. Labindalawang taong gulang pa lamang siya ngunit ito na ang kanyang buhay na tinatahak. Ang totoo niyan meron naman talaga siyang bahay dati ngunit mas pinili niyang manatili at matulog sa kalsada dahil mas masaya siya kung ang mga kaibigan niya ang kapiling niya. Lumayas siya dahil mas gusto niyang maging malaya at gawin ang lahat ng kanyang naisin. Sa pamamagitan ng pamamalimos, pagpupunas ng mga sapatos at pamumulot ng basura napapakain niya ang kanyang sarili. Sa edad na 12, natuto siyang manigarilyo at ng iba pang bisyo pero kahit nah ganoon ang kalagayan niya may mga naging pangarap din siya, ninanais niya sana na maging isang “seaman”, nangangarap siyang makaahon pa mula sa kahirapan ngunit ang lahat ng kanyang pangarap ay tila mananatili na lamang pangarap.

JOHN MICHAEL MARINO
Ang batang ito ay napaka-tahimik, makikita mo lang siya na nakaupo sa isang lugar at tila naghihintay ng kung ano mula sa kawalan. Tuwing umaga, madalas siyang makita ng mga tao na tulog at nakahiga lamang sa isang tabi. Ang batang ito ay walang imik at tila ayaw kaming kausapin, parang may kinatatakutan siya na kung anu. At aming napag-alaman na dati pala siyang taga-Cavite, may bahay sila roon. Lumayas siya ng kanilang bahay dahil sa pagmamalupit ng kanyang sariling ama. Mas kaya niyang tiisin ang malamig na gabi, ang matigas na tulugan at ang mga nangbubulabog na mga lamok kaysa mahagupit ng matigas na bagay sa kanilang tahanan. Nabubuhay siya sa pamamagitan ng paghingi ng pagkain at pamumulot ng basura. Kahit na mahirap ang buhay niya sa kalsada hindi na daw niya nanaisin pang bumalik sa malupit na kamay ng kanyang ama.