Tuesday, March 18, 2008

I. Panimula


Kawalan ng tirahan. Isang matinding krisis na kinakaharap ng bansa sa kasalukuyan. Dahilan kung bakit ang ilang mga tao ay napipilitang magpagala-gala sa lansangan. Napipilitang mamuhay sa labas ng bakuran kung saan nakaamba ang masukal at mapanganib na mundo.
Ang pag-aaral naming ito ay naglalayong mabigyan ng atensyon ang mga kababayan nating walang tirahan. Sinaliksik ng proyektong ito ang mga dahilan kung bakit nawalan sila ng tirahan, kung ano ang kanilang paraan ng pamumuhay ngayong wala na silang tirahan at ang mga dulot nito sa atin, sa kapaligiran at sa lipunan.


Nang kami’y nagsagawa ng pangangalap ng mga datos, tinanong namin ang aming mga nakapanayam kung sila ba ay nangangarap o umaasa pa sa pag-asang isang araw ay lalabas sila sa madilim na at nakakatakot na silid ng problema at kahirapan, ang isinagot nila sa amin “ang uwk man ay inuuban din!” kasabay ang isang kiming halakhak ng pinaghalong saya at kalungkutan. Patunay lamang na sa gitna ng kalupitan ng tadhana, hindi pa rin dapat mawalan ng pag-asa. Nais patunayan ng pagsusuring ito kung paano dapat natin tinuturing ang mga taong walang tirahan, na sila ay biktima lamang ng kalupitan ng tadhana, na hindi sila basura ng lipunan kundi mga tao na nangangailangan ng pagrespeto galing sa ibang tao.
Ang pag-aaral na ito ay magmumulat sa ibang tao na masuwerte sila na mayroon silang tinatawag na “bahay at tahanan”. Bahay na nagsisilbing pananggalang laban sa panganib ng kapaligiran at Tahanan kung saan may pag-ibig ng isang tunay na pamilya.