X. KONKLUSYON
Ang kawalan ng tirahan ay dulot ng mga bagay na hindi kaagad naaksyonan o mga maling desisyon na nakasasama sa kanila. Pangunahing sanhi nito ay ang kawalan ng murang pabahay para sa mga mahihirap. Pangalawa rito ay ang pagkasira ng ulo, sakit, pag-abuso sa mga ipinagbabawal na gamot, kakulangan sa determinasyon sa paghahanapbuhay, at iba pa. Ang National Law Center for Homelessness and Poverty ay naghayag na mahigit 3 milyong lalaki, babae, at mga bata ang walang tirahan noong nakaraang taon –mga 30% lamang sa kanila ang pansamantala lamang. Dahil dito ginawa nilang pansamantalang tirahan at matutuluyan ang mga ospital, simbahan, kalye pati na ang madilim na silid sa likuran ng mga rehas na bakal.
Liban sa 3 milyong walang tirahan, mayroong ding 5 milyong mga mahihirap na taong inilalaan ang kalahati ng kanilang kinikita para sa upa sa tinutuluyan, na nauuwi rin naman sa wala at nanganganib na ring mapabilang sa mga taong walang sariling tirahan. Isang disgrasya, maliit na pagkautang o sa isang simpleng karamdaman lamang, ay maaari nang maging dahilan ng tiyak na pagkawala ng kanilang tirahan.
Ayon sa nakalap naming impormasyon, ang pinakamainam na tulong para sa mga taong ito ay trabahong tutugon sa kanilang mga pangangailangan, tulungan sa paghahanap ng tirahan na kung saan ito’y sapat sa kanilang bilang at siyempre sa antas ng kanilang kikitain. Samantala, ang kanilang natatanggap ay mga damit, at tulong-benepisyo, sabihin nating makatutulong ang mga ito, subalit ‘di naman ito ang naturang lunas sa pangunahing problema na kanilang kinakaharap. Iilan lamang ang nakakatanggap ng suwerte na mabigyan o matulungan man lamang sa paghahanap ng matitirhan, marahil na rin siguro, sa antas ng ating ekonomiya sa ngayon, ay malayong magkaroon nga sila ng bahay. Bahay na dapat sana’y isa, para sa isang pamilya.
Matapos ang mahaba at nakakapagod na obra, masasabi naming ang mapabilang sa mga taong walang tiraharan ay tila isang sisiw na nabasagan ng kanyang saplot na itlog at lumabas sa mundong salat sa pag-aaruga ng magulang na inahin. Hindi namin maubos maisip kung paano nila tinatawid ang araw-araw na buhay sa ganitong sitwasyon. Napakahirap mawalan ng tirahan. At sa bihis ng kanilang mga mukha ay masasalamin ‘di lang ang lungkot na dala ng kawalan ng tirahan, pati na rin ang pait ng pagiging salat sa atensyon at pag-unawa nating mas angat sa kanila. Napatunayan ng pagsususuring ito na ang kawalan ng tirahan ng mga tao ay hindi dapat sinisisi sa kanila. Hindi nila ginusto ang buhay na ganoon. Mga kalamidad tulad ng lindol, pagguho ng lupa, bagyo at iba pang mga hindi inaasahang bagay ang minsan di’y dahilan ng mga ito. Sa mga kabataang palaboy-laboy sa lansangan, kalupitan ng magulang ang kadalasang dahilan. Wala tayong karapatan upang sisihin sila sa kanilang kinahinatnan. Pagtanggap at pag-unawa na lamang sana kung ‘di man tayo makatutulong sa kanila.