Tuesday, March 18, 2008

V. Epekto

V. EPEKTO

Ang makakita ng mga taong pagala-gala at walang matirhan ay nakakadurog ng puso. Makikita mo silang nagpupumiglas sa hamon ng buhay at nagsusumikap na matugunan ang mga pangangailangan sa lansangan. Ngunit, ano nga ba ang epekto nito sa atin at sa sosyodad? Sabi ng iba, sila ay buwisit sa negosyo. Sila daw ay dungis sa mukha ng ating bansa.

Totoong sila ay nagpapasikip ng kalye, nakapeperwisyo kung minsan, nakakatakot dahil sa kanilang ayos at potura, minsan pa nga’y atin din silang napagkakatuwaan nang di iniisip na kapwa rin natin sila nilalang. Makikita mo sila sa mga parke na nakahiga at walang saplot sa katawan na maaaring makapagpababa ng negosyo ng bansa sa usapin ng turismo. Ang mga basura na tinatapon sa ilog ng mga taong nasa ilalim ng tulay ay nakakatulong sa pagpapasikip ng daloy ng tubig. Dahil sa sila ay doon tumitira, mas malaki ang porsyento ng basura ang kanilang naidaragdag sa ilog na maaaring magbunga ng isa na naming trahedya. Ang mga nasa kalsada ay nakapagpapasikip ng daan, dulot ay trapiko. Ngunit puro perwisyo lang nga ba ang dulot nila? Ang mga nagtitinda sa mga bangketa, ilan sa kanila ay mga palaboy na nakatutulong sa atin ding mga pangangailangan. Ang mga naglilikod ng mga serbisyong tulad ng paglilinis ng sapatos, paglilinis ng harapan ng ating kotse sa daan, pagiging kargador ng ating mga mabibigat na gamit, hindi ba’t sila ang gumagawa?

Ang mga taong ito ay hindi buwisit o dungis. Sila ay ang mga taong nangangailangan ng ating tulong, pag-unawa at pag-aaruga. Ang mga taong ito ay nangangailangan ng ating atensyon at hindi diskriminasyon.