Tuesday, March 18, 2008

PAGHAHANDOG
Buong puso at pagmamahal na inihahandog naming mga tagapagsaliksik sa aming mga magulang, kaibigan, mga sumuporta, kay Bb. Beverly Siy na aming guro sa Filipino, sa aming paaralan Unibersidad ng Sto Tomas (UST) at sa lahat ng mambabasa ang pag-aaral na ito.

Para sa inyo ang tagumpay ng pag-aaral naming ito!

Pagkilala at Pasasalamat

PAGKILALA AT PASASALAMAT

Kami, ang mga tagapagsaliksik, ay nais pasalamatan ang mga nasa ibaba:

· Ang Diyos Ama, sa paggabay at pagbibigay sa amin ng pang-araw araw na talino at lakas upang imateryalisa ang pag-aaral na ito;
· Ang aming mga Magulang na walang sawang sumuporta at walang alinlangang naglahad ng palad upang mapondohan ang pag-aaral na ito;
· Bb. Beverly Siy na buong pusong naglaan ng oras upang gabayan kami, na kaniyang mga mag-aaral sa araling Filipino;
· Sa lahat ng mga sawing biktima ng Kawalan ng Tirahan na nakipagtulungan at nagbigay ng impormasyon;
· Mga Kaibigan na sumuporta at nanalig sa amin;
· At sa lahat ng mga taong naging inspirasyon naming upang mabuo ang pag-aaral na ito.

Nagpapasalamat kaming lahat sa inyo ng buong puso at sa inyo’y utang namin ang bawat pahina ng pag-aaral na ito, mula simula hanggang sa huling papel na bumubuo dito.
LAYUNIN

1. Makapagbigay ng impormasyon tungkol sa kawalan ng tirahan.
2. Makapagbigay ng mga epektong naidudulot ng kawalan ng tirahan sa ating sosyalidad.
3. Mag-ambag ng solusyon na makakatulong sa mga pamilyang walang tirahan.

Halaga

HALAGA

Mahalaga ang pananaliksik na ito sapagkat tinatalakay nito ang isa sa pinakamalaking problemang kinahaharap ng ating bansa ngayon. Ang pananaliksik na aming ginawa ay mahalaga upang mamulat ang sambayanang Pilipino at ang ating gobyerno na hindi simpleng suliranin ang kawalan ng tirahan. Ito ay hindi dapat baliwalain sapagkat malaki ang negatibong epekto nito sa ating bansa. Pinapakita rin nito kung gaano karami o ilang porsyento ng mamamayang Pilipino sa Metro Manila ang nakararanas ng suliraning ito. Maraming solusyon ang maaring gawin upang mabawasan ang ganitong uri ng suliranin. Ang solusyon na ito ay makakamit lamang kung lahat tayo ay aaksyon.

Konseptuwal na Balangkas

Konseptuwal na Balangkas

Teoretikal na Balangkas

Metodolohiya

METODOLOHIYA

Ang pananaliksik na ito ay binubuo ng mga panayam namin sa mga pamilyang walang tirahan,pati na rin sa dalawang batang aming nakilala na matagal ng naninirahan sa kalye. Ang aming pananaliksik ay binubuo rin ng sarbey at graph.

SAKLAW AT DELIMITASYON

SAKLAW AT DELIMITASYON


Ang pagsusuring papel na ito ay ginawa sa ilang mga lugar sa Quezon City at Metro Manila. Mga lugar na nadadaanan namin kung saan kadalasan naming napapansin ang mga pamilya at kabataang walang tirahan. Mga taong sa gilid ng kalsada natutulog, kumakain at nag-aantay ng panibagong pagsikat ng araw. Binatay namin ang ilang mga datos ng aming pagsusuri sa mga sagot na ibinigay nila sa amin ng sila ay aming kapanayamin.

Daloy ng Pag-aaral

DALOY NG PAG-AARAL

Ang unang kabanata ay tungkol sa panimula ng Kawalan ng tirahan.
Ang ikalawang kabanata ay tungkol sa pagbibigay depinisyon sa Kawalan ng tirahan
Ang ikatlong kabanata ay tungkol sa uri ng mga taong walang tirahan
Ang ika-apat na kabanata ay tungkol sa mga sanhi sa Kawalan ng tirahan
Ang ikalimang kabanata ay tungkol sa epekto ng Kawalan ng tirahan sa ating sosyolidad
Ang ika-anim na kabanata ay tungkol sa oportunidad ng isang taong walang tirahan na kumita at mabuhay
Ang ikapitong kabanata ay tungkol sa mga solusyon sa Kawalan ng tirahan
Ang ikawalong kabanata ay tungkol sa mga resulta ng aming pagsusuring ginawa
Ang ikasiyam na kabanata ay naglalaman ng Sarbey
Ang ikasampung kabanata ay naglalaman ng aming konklusyon sa ginawang pagsusuri
Ang ikalabing-isang kabanata ay naglalaman ng mga larawan na aming kinunan habang kami ay nagsasagawa ng aming pananaliksik

I. Panimula


Kawalan ng tirahan. Isang matinding krisis na kinakaharap ng bansa sa kasalukuyan. Dahilan kung bakit ang ilang mga tao ay napipilitang magpagala-gala sa lansangan. Napipilitang mamuhay sa labas ng bakuran kung saan nakaamba ang masukal at mapanganib na mundo.
Ang pag-aaral naming ito ay naglalayong mabigyan ng atensyon ang mga kababayan nating walang tirahan. Sinaliksik ng proyektong ito ang mga dahilan kung bakit nawalan sila ng tirahan, kung ano ang kanilang paraan ng pamumuhay ngayong wala na silang tirahan at ang mga dulot nito sa atin, sa kapaligiran at sa lipunan.


Nang kami’y nagsagawa ng pangangalap ng mga datos, tinanong namin ang aming mga nakapanayam kung sila ba ay nangangarap o umaasa pa sa pag-asang isang araw ay lalabas sila sa madilim na at nakakatakot na silid ng problema at kahirapan, ang isinagot nila sa amin “ang uwk man ay inuuban din!” kasabay ang isang kiming halakhak ng pinaghalong saya at kalungkutan. Patunay lamang na sa gitna ng kalupitan ng tadhana, hindi pa rin dapat mawalan ng pag-asa. Nais patunayan ng pagsusuring ito kung paano dapat natin tinuturing ang mga taong walang tirahan, na sila ay biktima lamang ng kalupitan ng tadhana, na hindi sila basura ng lipunan kundi mga tao na nangangailangan ng pagrespeto galing sa ibang tao.
Ang pag-aaral na ito ay magmumulat sa ibang tao na masuwerte sila na mayroon silang tinatawag na “bahay at tahanan”. Bahay na nagsisilbing pananggalang laban sa panganib ng kapaligiran at Tahanan kung saan may pag-ibig ng isang tunay na pamilya.

II. Ang Kawalan ng Tirahan


Ang bahay ay ang material na bagay na itinayo upang magkaroon tayo ng proteksyon mula sa mundo sa labas, magkaroon ng pribadong buhay at kaligtasan. Karaniwan na ini-uugnay ang bahay sa tahanan subalit ito ay may kaibahan. Ang tahanan ay ang lugar kung saan ang isang tao ay katanggap tanggap sa kanyang mga kasama. Naririto ang pag-ibig, pagkalinga at pag-aaruga. Ang tirahan ay kung saan makikita ang dalawang ito.


Ang kawalan ng tirahan ay ang sitwasyon kung saan ang isang tao ay walang permanenteng tirahan o lugar na masisilungan kaya pagala-gala lamang sila sa lansangan. Mayroon din namang sitwasyon na dahil sa kulang na pagkalinga ng gobyerno o ‘di kaya’y hindi nakapagtapos ng pag-aaral kaya walang magandang hanap buhay na nakukuha kaya hindi sila makakuha o makarenta ng tirahang maaaring silungan. Ang mga biktima ng problemang ito ay nagkalat sa buong mundo buhat sa iba’t ibang kadahilanan. Natural na kalamidad, problemang politikal, giyera at sakit ang ilan sa mga kadahilanan ng mga ito.

III. Uri ng mga Taong walang Tirahan


A. Mga natutulog sa Lansangan o Pampublikong Lugar
Ang pagtulog sa lansangan ay napakahirap. Kapag nawala ang kanilang trabaho, pati na tirahan at pera, wala na silang mapuntahan. Wala silang magawa at kahit ang kanilang mga kaibigan –ay nakadaragdag pa ng pagkasawi. Sila’y natutulog sa ilalim ng tulay, kalyeng may silong at sa mga karton na nagsisilbing kanilang higaan. May ilang mga ‘di na nagigising sa kanilang pagkatulog sa lansangan. Minsan pa nga’y plastik na lamang ang namamagitan sa kanila at sa kapaligiran, habang sila’y nagpapagala-gala gamit ang paa nilang nakayapak papunta sa kung saan man sila dalhin ng mga ito.
May mangilan-ngilan ang nagsusumikap na makapaghanap buhay kahit pantawid gutom man lang, subalit kadalasan sila’y pinandidirian. Makikita mo na lang sila na nagkakalkal ng basurahan.
Hindi makatarungan ang sinumang mahuling nanlilimos o natutulog sa daan, parke o ano pa mang pampublikong imprastraktura, sa mga gusali at pagawaan. Ngunit, ano nga ba talaga ang kanilang magagawa? Nararapat bang atin silang pagdamutan ng kakarampot na bagay na pinaka kailangan nila?

B. Mga natutulog sa Sasakyan

Ang sasakyan na siyang dapat ay para lamang sa transportasyon ng mga tao ay isa na ding instrumento para maging tirahan ng taong walang matulugan. Dahil nga saw ala silang matirahan, ang ibang sasakyan ang nagsisilbing pansamantalang bubong at haligi ng kanilang tirahan. Tirahan na kung saan kahit papaano’y magkakaroon sia ng pribadong buhay, pag-aari at pag-asa na “umandar sa laban ng buhay” o maging tulad ng sasakyan na mayroong tamang landas na patutunguhan.

C. Mga natutulog sa mga Abandonadong Gusali
Ang ilan sa mga taong walang matirhan ay humahanap ng kanilang matutuluyan sa mga abandonadong lugar. Tulad na lamang sa ilalim ng tulay. Kadalasan doon makikita ang mga taong walang tirahan. Mga pamilyang nagiging magkakaibigan at magkakapit bahay. Kapag nandiyan na ang mga tauhan ng gobyerno, kadalasan ay lumilipat sila sa ibang lugar o mga abandonadong imprastraktura magkaroon lamang ng masisilungan.

IV. Mga Sanhi


IV. MGA SANHI

A.Natural na Kalamidad

1. LINDOL – Ang lindol ay isang pangyayari na bunga ng biglaang pagbulalas ng mga natutulog na enerhiya sa kalatagan ng mundo sa anyo ng “seismic waves”. Sa ibabaw ng daigdig maari rin ito magbunga ng pagkasira ng porma ng kalupaan at “tsunami” na nagsasanhi ng pagkawasak at kamatayan.
Ang mga lindol ay maaring likas o nagmula sa kagagawan ng tao.

MANILA, Philipines (AP) – dalawang malalakas na lindol ang magkasabay na yumanig sa gitnang maynila, ilang oras pa lang ang nakakalipas na sumira ng mga tirahan sa lakas ng pagyanig. Wala namang naiuulat na nasugatan.

Ang pangalawang mas malakas na lindol, na may magnitude na 6.2, ay niyanig ang Pilipinas, 7:01 ng Sabado ng gabi, na sanhi ng Philippine Fault, ang major fault na mula sa Hilagang kabundukan patungo sa Timog, ayon sa Philippine Institute of Vulcanology and Seismology.

Sa sobrang lakas nakuha nitong pataubin ang mga lumang gusali, ayon kay Ishmael Narag, isang Seismologist. Ang unang lindol na may 5.5 magnitude ay nangyari banding 1:47 ng hapon.

Sa Pilipinas, ang pagkawasask ay nasa Masbate, isa sa mga probinsya nito. Ang Masbate ay may 230 milyang layo mula sa Pilipinas.

Ang Office of the Civil Defense ng Maynila ay nag-ulat na ang pangalawang lindol ay napatumba ng isang Muslim Day Care Center, katabi ng isang Mosque sa kapitolyo ng Masbate City. Ang lindol ay sumira din ng mga posteng kuryente na sanhi ng black out.

Ang Pilipinas ay nauupo sa mahigit apat na major faults kung kaya’t natural ang paglindol.


2. PAGGUHO ng Lupa – Ang pagguho ng lupa ay penomenon na kinabibilangan ng malawakang paggalaw ng lupa, pagkahulog ng mga bato, pagbaba ng isang bahagi ng lupa at pagkaanod ng mga piraso ng lupa. Liban sa “gravity” na pangunahing dahilan ng mga pagguho may ilan pang mga salik na nakatutulong dito:

Pagkaguho dahilan sa mga alon o anupamang interaksyon sa mga bahagi ng tubig ay nagdudulot ng mas matataas na mga bangin.
Ang mga bahagi ng mga bato o lupa ay rumurupok dahil sa malakas na ulan.
Ang lindol ay lumilikha ng mga bitak sa lupa na nagiging sanhi ng pagguho.
Ang pagputok ng bulkan ay nagkakalat ng abo, nasasanhi ng malakas na ulan at pagkaanod ng mga piraso ng lupa.
Ang Ground Water Pressure ay nagpapahina sa porma ng lupa.

Mountain Village ng Guinsaugon, naglaho dahilan sa pagguho ng lupa.
Leyte, Ika-17 ng Pebrero, 2006

Nagkaroon na naman ng pagguho ng lupa sa Pilipinas o ang tinatawag na Landslide. Sa Timog Leyte, isang barangay ang nabura sa mapa dahilan dito. Bandang alas 9 hanggang alas 10, ang mga bahay at mga eskwelahan ay napapailalim na sa makapal na lupa na hanggang 10 metro ang lalim. 246 na estudyante at 7 guro ang natabunan makalipas ang ilang mga segundo pa lamang. Nasabing isang bata at isang matandang babae lamang ang nailigtas sa naturang insidente. Mahigit kumulang 1000 katao ang nailibing ng buhay sa Guinsaugon.

3. BAGYO – Ang bagyo ay isang unos na may nagaganap na sirkulasyon ng malakas na hangin. Maraming katawagan sa unos depende sa kanilang kalakasan at lokasyon. Kadalasan ito ay nabubuo sa gitna ng karagatan kung kaya’t mas malaki ang pinsala ng mga nakatira sa baybay-dagat







Ang bagyong si Milenyo na dumating sa Pilipinas ay nagpahinto ng lahat ng Panghimpapawid at Pangdagat na transportasyon. Sinasabing ito ang pinakamalakas na bagyong tumama sa kapuluan.

Mahigit 18 katao ang naireportang namatay sa mga syudad ng Muntinlupa (2), Makati (1) and Legazpi (1), at ang mga probinsya ng Albay (8), Quezon (3) at Antique (3). Labing-isa naman ang nakumpirmang namatay sa mga probinsya ng Calabarzon at apat sa Taytay, Rizal.

PAGLIKAS

Ang kabuuang 833 katao ay inilagak muna 8 klinika sa Calabang, Camarines Sur. 36 na pamilya ay sa Pamplona, 50 sa Gainza at 5 sa Libmanon. Ayon sa Provincial Disaster Coordinating Council, 20 pamilya galing sa baybay-dagat ng Sala, Balete, Batangas ang inilipat sa Balete Church. –isang halimbawa ng ebakwasyon dahilan sa bagyong sumalanta at lumamon sa kanilang bahay at ari-arian.


B. Pagkakaroon ng Di-magandang Kapalaran

1. Hindi nakapagtapos ng Pag-aaral – Alam nating lahat na ang Edukasyon ang isa sa mga susi upang magkaroon tayo ng magandang kinabukasan. Ngunit ang mga taong laki sa hirap at di nakapag-aral ay nagdurusa at walang magawa kundi umasa sa mga taong nakapagtapos at dumaranas ng magandang pamumuhay.

2. Paglaya mula sa Kulungan – Kadalasang ang mga dating bilanggo o mga “ex-convict” ay iniiwasan at nilalayuan ng mga kaibigan at minsan pa’y pati ang mga kapamilya.

3. Pag-abuso sa Droga at Alkohol – Ang mga taong walang permanenteng hanapbuhay at nalulong na sa bisyo ng droga at alkohol ay napapabilang din sa mga taong walang tirahan.

4. Pagtakas sa Pang-aabuso – kasama ang Sekswal, Pisikal at Mental na pang-aabuso: Ang mga biktimang tumatakas sa pang-aabuso ay nahahantong sa kawalan ng tirahan. Ang mga inabusong kabataan ay may maghahatid ulit sa kawalan ng tirahan.

V. Epekto

V. EPEKTO

Ang makakita ng mga taong pagala-gala at walang matirhan ay nakakadurog ng puso. Makikita mo silang nagpupumiglas sa hamon ng buhay at nagsusumikap na matugunan ang mga pangangailangan sa lansangan. Ngunit, ano nga ba ang epekto nito sa atin at sa sosyodad? Sabi ng iba, sila ay buwisit sa negosyo. Sila daw ay dungis sa mukha ng ating bansa.

Totoong sila ay nagpapasikip ng kalye, nakapeperwisyo kung minsan, nakakatakot dahil sa kanilang ayos at potura, minsan pa nga’y atin din silang napagkakatuwaan nang di iniisip na kapwa rin natin sila nilalang. Makikita mo sila sa mga parke na nakahiga at walang saplot sa katawan na maaaring makapagpababa ng negosyo ng bansa sa usapin ng turismo. Ang mga basura na tinatapon sa ilog ng mga taong nasa ilalim ng tulay ay nakakatulong sa pagpapasikip ng daloy ng tubig. Dahil sa sila ay doon tumitira, mas malaki ang porsyento ng basura ang kanilang naidaragdag sa ilog na maaaring magbunga ng isa na naming trahedya. Ang mga nasa kalsada ay nakapagpapasikip ng daan, dulot ay trapiko. Ngunit puro perwisyo lang nga ba ang dulot nila? Ang mga nagtitinda sa mga bangketa, ilan sa kanila ay mga palaboy na nakatutulong sa atin ding mga pangangailangan. Ang mga naglilikod ng mga serbisyong tulad ng paglilinis ng sapatos, paglilinis ng harapan ng ating kotse sa daan, pagiging kargador ng ating mga mabibigat na gamit, hindi ba’t sila ang gumagawa?

Ang mga taong ito ay hindi buwisit o dungis. Sila ay ang mga taong nangangailangan ng ating tulong, pag-unawa at pag-aaruga. Ang mga taong ito ay nangangailangan ng ating atensyon at hindi diskriminasyon.

VI. OPPORTUNIDAD NA KUMITA AT MABUHAY

VI. OPPORTUNIDAD NA KUMITA AT MABUHAY
Sa ating paglalakbay, lagi taong nakakakita ng mga taong tumutugtog as lansangan, sumasayaw, nagpapatawa at ang iba nama’y namamalimos. Ang iba sa kanila’y kapos na kapos pero may mga tirahan. Samantalang karamihan naman ay mga taong walang tahanan at pagala-gala lang sa lansangan. Nagbabakasakali na sa pamamagitan ng mga sumusunod ay makatawid gutom man lang.:

Kalabit-Penge – Ang kalabit-penge o mas kilala sa tawag na panlilimos ay isa sa mga paraan ng mga taong ito upang mabuhay. Mula sa pabarya-baryang ibinibigay ng mga taong may kusang loob ang ginagamit nila na pantawid-gutom.
Ilan sa mga ito ay ang:
· Paghingi sa mga kostumer sa isang tindahan;
· Pagkatok sa mga sasakyan;
· Pangangalabit sa kalye upang manghingi ng barya.


Busking – Ang “busking” ay ang kahit anong pagtatanghal na nakakawili. Maaaring ito ay pagtutugtog, pagpapatawa, pagdadrama at kung anu-ano pa. Ang mga taong ito ay di lamang nagtatanghal upang kumita ng pera. Sila din ay nagtatanghal para sa kasiyahan, makakuha ng atensyon, ipakilala ang sarili at madama ang pagtanggap ng lipunan sa mga tulad nila. Ayon naman sa mga nakapanayam naming mga batang walang tirahan, dahil sa pagtatanghal nila sa kalsada para kumita ay nakakatagpo sila ng mga kaibigang tulad din nila ay walang tirahang mauuwian.

Karagdagan
Ang Busking ay ang masining na pagtatanghal sa mga pampublikong lugar o ang tinatawag na “street theatre”. Pagtatanghal na walang katulad, isang musikerong nagtututog sa ere, mananayaw sa gitna ng daan ang ilan sa mga imaheng naglalaro sa ating isipan sa sandaling marinig natin ang katagang “Busker”. Madalas nagaganap ang mga pagtatanghal sa isang bukas na lugar tulad ng mga kalsada.
Ang mga buskers ay mga extraordinaryong nagsisipagganap. Maraming tagapagtanghal ang nag-uumpisa muna sa pagiging isang busker bago makamit ang totoong nais sa buhay. Mayroong nagtatanghal dahil sa siya’y malaya at kuntento na sa katayuan. Mayroon namang ito talaga ang pinangarap. At mayroon ding nangarap man ng mataas, subalit siya’y pinagkaitan ng kapalaran at nauwi sa pagtatanghal.
Sabi ng mga busker “Wala nang pagod at hirap ang hihigit pa sa aming trabaho. Tiyaga at Pagsisikap ang puhunan makamit lamang ang nakapapawing ngiti ng mga manonood”.

VII. MGA SOLUSYON

VII. MGA SOLUSYON

A. Pang-Gobyernong Sangay
1. National Housing Authority (NHA) – ang NHA ang natatanging sangay ng gobyerno na namamahala sa direktang pagpapabahay upang mailipat at mapa-unlad ang mga slum areas, iskwater at iba pang mga ilegal na paninirahan; at mapalago ang mga housing units sa iba’t-ibang panig ng bansa. Sa karagdagan, nagtatalaga rin sila ng mga teknolohikal na lugar at mas murang mga pabahay para sa mga ordinaryong manggagawa.

2. National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) – ang pangunahing sangay ng pamahalaan na namamahala sa usapin ng mortgage. Ang mortgage ay ang halaga na binabayaran para sa naturang pag-aari tulad ng tax. Ito rin ang sangay na namamahala sa pag-iipon ng pondo mula sa mga nakolektang mortgage na ibinabayad ng mga pribadong institusyon.

3. Homeless People’s Federation (Pederasyon ng mga Pilipinong Walang Tirahan) – layunin nitong ipagkaisa ang mga mahihirap na pampamayanang organisasyon sa mga siyudad sa buong bansa, upang bumuo ng mga solusyon sa mga problema na kanilang kinakaharap (Lupa, Pabahay, Kita, Kalusugan, Kaayusan, mas Mabababang mga Bilihin at Pagpapa-unlad ng iba pang mga Imprastraktura). Ang iba sa kanilang mga miyembro ay mga baguhan, ang iba’y pangrelihiyon ang layunin at ang iba nama’y nagmula sa mga maliliit na pedersyon na ipinaglalaban ang kanilang mga karapatan. Ang taling nag-uugnay sa samahang ito ay ang lunggatiing pamahalaan ang kanilang sariling nararapat na pagmamay-ari, gamitin ito sa pagpapa-unlad ng kanilang pamumuhay at mapatatag ang kanilang seguridad sa sarili nilang pamayanan.


B. Di-Gobyernong Sangay

1. ATD Fourth World Foundation. Isang internasyonal na samahan na naglalayong matugunan ang sobrang kahirapan. Nagsusumikap na masolusyunan ang problema ng mga taong nalugmok sa kahirapan at nanghihikayat ng iba pang mga kawani na makibahagi sa layunin nilang ito.
Tatlong Hakbang ng Kilusan:
Makisalamuha sa mga mahihirap na tao at mga pamayanan, sa mga bangketa, iskwater, at mga malalayo at liblib na bayan;
Mag-imbestiga sa dinaranas ng mga tao doon;
Pangangampaya ng publikong opinion tungo sa lokal, nasyonal at internasyonal na lebel.
2. GMA foundation – ito ang tumutulong sa mga nasasalanta sa ibang lugar, mga halimbawa ay ang baha, ang lindol at iba pa.
3. ASoG RTD ng Ateneo de Manila University- ito ay tumutulong sa mga mahihirap, gumagawa sila ng mga bahay para sa mga nangangailangan.
4. NGOs- tumutulong sa gobyerno para maka- abot sa mga mahihirap.
5. Bahay kalinga- ung mga tao ay boluntaryo na nagdodonate sa mga humihinge ng tulong.
6. ABS- CBN foundation- parehas lang rin sa GMA foundation, tumutulong rin ito sa mga walang mapuntahan.
7. Unicef- Ito naman ay para sa mga bata na kailangan ng tatakbuhan.
8. UST- mayroon rin ang UST na binibigay na tulong, mga boluntaryong trabaho para sa mga estudyante upang makatulong ng husto sa mga walang bahay.

VIII. RESULTA NG PAGSUSURI

VIII. RESULTA NG PAGSUSURI

Sa sampu na taong aming nakapanayam na pamilyang walang tirahan, ang mga sumusunod ang bahagdan ng sanhi ng pagkawala ng kanilang tirahan; pag-asa na magkaroon ng tirahan at kung sinisisi ba nila ang gobyerno sa kalagayan nila.




ANALISIS: Ang grap ay nagpapakita na ang mga pamilyang dati nang walang mga tirahan ay mas malaki ang bahagdan kaysa sa mga biktima ng di-magandang kapalaran.




ANALISIS: Sa kabila ng kanilang katayuan at estado ng pamahalaan, karamihan sa aming mga nakapanayam ay umaasa pa ring makabangon at magkaroon ng sari-sariling tahanan.




ANALISIS: Sa sampu na tao na aming nakausap 9 ang nagsasabi na nararapat lamang na sisihin ang gobyerno sa kanilang sinapit dahil umano sa laganap na katiwalian sa bansa.

IX. Sarbey

IX. SARBEY


Pangalan: Rogelio Perez Blg. ng Anak: 5
Lokasyon: Quezon Avenue


1. Gaano na katagal kayong walang tirahan?

Mula pa noong 1999.

2. Nakakatulog pa ba kayo ng maayos sa gabi? Bakit o Bakit hindi?

Hindi. Mahirap matulog dito lalo na kapag gabi. Masyadong malamok at saka lalo na kapag may kalamidad. Ttulad na lang noong may dumaang bagy, masyadong malakas, nasira tuloy ang aming kariton at di kami nakatulog. Basang-basa kami. Pero sanayan lang iyan.

3. Ano ang dahilan ng pagkawala ng iyong tirahan?

Noong una ay may bahay kami, pero iskwateran lang. Ano pa ba ang aasahan mo kapag dun ka nakatira? Hindi sa amin yung lupa kaya’t wala kaming karapatan dun nung pinalayas kami at giniba ang mga bahay.

4. Paano kayo nakakabili o nagkakaroon ng pangangailangan sa araw-araw?

Yun nga, nagkakalakal lang kami ng basura at tanso.

5. Kuntento na ba kayo sa pamumuhay ninyo? Bakit o bakit hindi?

Siyempre naman hindi. Sino ba naman ang may gustong sa kalye ka lang nakatira at api-apihin ng mga tao?

6. Umaasa pa ba kayo na balang araw ay magkakaroon ulit kayo ng tirahan?

Oo naman kasi ayaw naming pati mga anak namin ay dito na tumira at siyempre ayaw kong mamatay na ganito pa rin ang sitwasyon ng buhay namin.

7. Anu-ano ang pinagkaiba ng pamilyang may tirahan sa wala?

Siyempre ang tirahan.

8. Gaano kahirap mabuhay nang walang tirahan?

Sobrang hirap tulad na lang ng sinabi ko kapag may bagyo.

9. Sa inyong palagay, maaari ninyo bang isisi sa gobyerno ang inyong sitwasyon?

Oo naman dapat tulungan na lang nila kaming mga walang tirahan kasi nahihirapan na kami, siyempre hindi naman namin ginusto ito. Kaysa mangurakot sila itulong na lang nila sa amin.

10. Sa kabila ng kahirapang dinaranas niyo may mga bagay pa ba na nagpapasaya sa inyo?
Syempre naman meron sa katunayan kahit ganito lang ang aming buhay ay napapag-aral pa naman namin ang isa naming anak.


Pangalan: Carmela Jose Blg. ng Anak: 7
Lokasyon: Tomas Morato


1. Gaano na katagal kayong walang tirahan?

Mga taong 2000.

2. Nakakatulog pa ba kayo ng maayos sa gabi? Bakit o Bakit hindi?

Hindi no! Ang hirap kaya matulog ng walang bahay!

3. Ano ang dahilan ng pagkawala ng iyong tirahan?

Walang pera pang-upa.

4. Paano kayo nakakabili o nagkakaroon ng pangangailangan sa araw-araw?

Nagtatrabaho. Nagtitinda ng mga sigarilyo sa kalye.

5. Kuntento na ba kayo sa pamumuhay ninyo? Bakit o bakit hindi?

Hindi. Dahil kung ako ang tatanungin ninyo ayoko naman ng buhay na ganito.

6. Umaasa pa ba kayo na balang araw ay magkakaroon ulit kayo ng tirahann?

Hindi naman masamang umasa di ba? Umaasa pa rin ako, siyempre, kahit masakit para sa amin ang nangyayari sa amin ngayon.

7. Anu-ano ang pinagkaiba ng pamilyang may tirahan sa wala?

Nakakakain sila sa tamang oras. Nakakatulog ng maayos. Masaya sa bawat oras. Mas ligtas sila kaysa sa amin.

8. Gaano kahirap mabuhay nang walang tirahan?

Mahirap. Napakahirap. Kailangan higpitan ang iyong sinturon mabuhay ka lang.

9. Sa inyong palagay, maaari ninyo bang isisi sa gobyerno ang inyong sitwasyon?

Dapat lang! Kung itinutulong na lang nila ang kinukurakot nila di ba?

10. Sa kabila ng kahirapang dinaranas niyo may mga bagay pa ba na nagpapasaya sa inyo?

Oo meron naman kahit papaano. Kahit mahirap. Ganyan naman ang buhay.


Pangalan: Rogelio Booc Blg. ng Anak: 2
Lokasyon: Roces Avenue


1. Gaano na katagal kayong walang tirahan?

Mga taong 2004, October.

2. Nakakatulog pa ba kayo ng maayos sa gabi? Bakit o Bakit hindi?

Siyempre hindi. Sa kariton lang kami natutulog. Sino bang makakatulog ng maayos sa ganyang higaan o tulugan?

3. Ano ang dahilan ng pagkawala ng iyong tirahan?

Nakakulong kasi yung anak ko sa may Kamuning para mapalapit sa kanya, dito na lang kami tumira.

4. Paano kayo nakakabili o nagkakaroon ng pangangailangan sa araw-araw?
Nagkakalkal ng basura, nagbebenta ng basura at nagbabalat ng tanso.

5. Kuntento na ba kayo sa pamumuhay ninyo? Bakit o bakit hindi?

Siyempre hindi, hindi ko naman ginusto itong nangyari sa amin. Sobrang hirap.

6. Umaasa pa ba kayo na balang araw ay magkakaroon ulit kayo ng tirahan?
Meron naman kaming bahay kaso umalis kami doon (bahay ng kapatid niya) dahil kung anu-ano kasi pinagsasabi sa amin, nagpaparinig.

7. Anu-ano ang pinagkaiba ng pamilyang may tirahan sa wala?

Nakakain, nakakatulog at nakapamumuhay ng maayos.

8. Gaano kahirap mabuhay nang walang tirahan?

Sobrang hirap lalo na kapag sinumpong yung panahon.

9. Sa inyong palagay, maaari ninyo bang isisi sa gobyerno ang inyong sitwasyon?

Oo, kasi walang nagyayari/ walang pagbabago. Ganito pa rin kami.

10. Sa kabila ng kahirapang dinaranas niyo may mga bagay pa ba na nagpapasaya sa inyo?

Oo meron, lalo na kapag Pasko. Marami kasing nagbibigay sa amin ng mga pagkain pero kapag hindi na pasko, wala na. Pinapaubya na lang namin sa Panginoon at nagtitiwala na lang kami sa kanya.

Pangalan: Frederico Cayabyab Blg. ng Anak: 3
Lokasyon: Quezon Avenue



1 .Gaano na katagal kayong walang tirahan?

Noong Marso 2003.

2. Nakakatulog pa ba kayo ng maayos sa gabi? Bakit o Bakit hindi?

Mahirap kayang matulog sa ganito pero siyempre magtiis ka kasi wala ka namang mapagpipilian eh. Tutal sanay na naman kami, halos sa ganitong buhay na rin akong lumaki noong bata ako.

3. Ano ang dahilan ng pagkawala ng iyong tirahan?

May bahay kami kaso hindi rin kami nagtagal dun kasi wala na kaming pambayad.

4. Paano kayo nakakabili o nagkakaroon ng pangangailangan sa araw-araw?

Nagbabasura. Minsan nagagawa naming magnakaw para lang makakain.

5. Kuntento na ba kayo sa pamumuhay ninyo? Bakit o bakit hindi?

Hindi. Sino ba ang makukuntento sa ganitong buhay.

6. Umaasa pa ba kayo na balang araw ay magkakaroon ulit kayo ng tirahan?

Hindi na. Kasi alam kong hanggang dito na lang kami at sa hirap ng buhay, hindi na kami makakaahon, siguro hanggang dito na lang kami.

7. Anu-ano ang pinagkaiba ng pamilyang may tirahan sa wala?

Yung walang bahay kung saan saan lang natutulog, yung meron eh di sa bahay.

8. Gaano kahirap mabuhay nang walang tirahan?

Kung alam nyo lang kung gaano kahirap. Mahirap talaga.

9. Sa inyong palagay, maaari ninyo bang isisi sa gobyerno ang inyong sitwasyon?

Oo kasi dapat sagutin nila kami dahil taga Pilipinas kami tapos hindi kami inaasikaso. Dapat bigyan kami ng sariling bahay, wag yung hinuhulug-hulugan yung libre.

10. Sa kabila ng kahirapang dinaranas niyo may mga bagay pa ba na nagpapasaya sa inyo?

Minsan meron, minsan wala, pero nakukuntento na ako kung anong meron kmi. Kailangan namin sa hirap ng buhay, aangal pa ba kami? Buti na nga lang buhay pa kami.

Pangalan: Ernesto Binluan Blg. ng Anak: 2
Lokasyon: San Andres Street



1. Gaano na katagal kayong walang tirahan?

Mula pa noong 2003.

2. Nakakatulog pa ba kayo ng maayos sa gabi? Bakit o Bakit hindi?

Hindi noh. Mahirap matulog sa ilalim ng tulay. Maingay at maalikabok. Hindi mo alam kung may mangyayari sa iyo na masama. Hindi mo alam kung saan ka kukuha ng tubig at mamakain.

3. Ano ang dahilan ng pagkawala ng iyong tirahan?

Iskwater kami noon kaso pinalayas kami ng mga MMDA. Dinemolish nila bahay namin.

4. Paano kayo nakakabili o nagkakaroon ng pangangailangan sa araw-araw?

Namamalimos lang, minsan pumupunta kami sa Jollibee, dun sa basurahan, may mga pagkain minsan sa basurahan, yun kinukuha namin.

5. Kuntento na ba kayo sa pamumuhay ninyo? Bakit o bakit hindi?

Siyempre hindi. Mahirap ang ganitong buhay, sino ba nay gusting ganito ang buhay.

6. Umaasa pa ba kayo na balang araw ay magkakaroon ulit kayo ng tirahan?

Umaasa kahit matagal-tagal na kami rito sa ilalim ng tulay.

7. Anu-ano ang pinagkaiba ng pamilyang may tirahan sa wala?

Eh di masaya sila at alam nilang ligtas sila. Kami mahirap ang buhay lalo na kung may bagyo, minsan nagkakasakit ang mga bata.

8. Gaano kahirap mabuhay nang walang tirahan?

Sobrang hirap, kaw ba naman humiga sa karton sa ilalim ng tulay.

9. Sa inyong palagay, maaari ninyo bang isisi sa gobyerno ang inyong sitwasyon?

Oo, walang kuwenta ang gobyerno na yan. Puro pangako sila, napapako naman.

10. Sa kabila ng kahirapang dinaranas niyo may mga bagay pa ba na nagpapasaya sa inyo?

Oo meron, yoon ay sama-sama kami ng pamily ako at buhay pa kaming lahat.

Pangalan: Rebecca Gahoc Blg. ng Anak: 2
Lokasyon: Quirino



1. Gaano na katagal kayong walang bahay?

Mula 2000 pa.

2. Nakakatulog pa ba kayo ng maayos sa gabi? Bakit o Bakit hindi?

Siyempre hindi. Malamig sa lansangan. Hindi mo alam kung ligtas ka, kung buhay ka pa bukas. Delikado dito, walang makukuhaan ng pagkain o inumin. Natutulog lang kami sa lansangan.

3. Ano ang dahilan ng pagkawala ng iyong tirahan?

Nasunugan kami noon at walang natira sa amin.

4. Paano kayo nakakabili o nagkakaroon ng pangangailangan sa araw-araw?

Ang dalawang anak ko ay namamalimos at ako nangangalakal ng basura. Nakulong asawa ko dahil sa pandurukot.

5. Kuntento na ba kayo sa pamumuhay ninyo? Bakit o bakit hindi?

Ikaw kaya tanungin ko, kuntento ka ba pag ganito buhay mo?

6. Umaasa pa ba kayo na balang araw ay magkakaroon ulit kayo ng tirahan?

Umaasa pa ako. Habang may buhay may pag-asa.

7. Anu-ano ang pinagkaiba ng pamilyang may tirahan sa wala?

May bahay sila na maayos ang tulugan. Samantalang kami, kariton lang.

8. Gaano kahirap mabuhay nang walang tirahan?

Sobrang hirap talaga.

9. Sa inyong palagay, maaari ninyo bang isisi sa gobyerno ang inyong sitwasyon?
Oo, kung may nagawa lang sila noon at binigyan kami ng bahay, di sana’y buo pa ang pamilya namin at hindi naghihirap.

10. Sa kabila ng kahirapang dinaranas niyo may mga bagay pa ba na nagpapasaya sa inyo?

Oo,ang makita ko ang mga anak ko.


Pangalan: Lucas Sabariso Blg. ng Anak: 4
Lokasyon: Fort Bonifacio


1. Gaano na katagal kayong walang tirahan?

Noong 2001 pa.

2. Nakakatulog pa ba kayo ng maayos sa gabi? Bakit o Bakit hindi?

Noong una hindi… Pero matagal-tagal na kaming ganito kaya nasanay na kami.

3. Ano ang dahilan ng pagkawala ng iyong tirahan?

Dinimolish kasi yung bahay namin sa tabi ng riles. May pinaglipatan ang gobyerno sa amin kaso malayo at walang pagkakakitaan, ayun binenta ko yung bahay at nag-iskwat kami. Pero naulit lang, denimolish pero wala na kaming pinaglipatan, dito na lang kami nakatira sa lansangan at nakatira sa kariton.

4. Paano kayo nakakabili o nagkakaroon ng pangangailangan sa araw-araw?
Dati, may trolley pa ako, kumikita ako kahit maliit kaso ngayon nagbobote-dyaryo ako.

5. Kuntento na ba kayo sa pamumuhay ninyo? Bakit o bakit hindi?

Kung ako lang tatanungin, hindi ako masaya sa buhay na ganito.

6. Umaasa pa ba kayo na balang araw ay magkakaroon ulit kayo ng tirahan?
Oo naman kahit sino naman na walang bahay umaasa ng ganun. Kung mauulit lang yung binigay sa amin ng gobyerno, di ko na ibebenta yun.

7. Anu-ano ang pinagkaiba ng pamilyang may tirahan sa wala?

Siyempre hindi sila palaboy-laboy tulad namin.

8. Gaano kahirap mabuhay nang walang tirahan?

Mahirap. Sobrang hirap.

9. Sa inyong palagay, maaari ninyo bang isisi sa gobyerno ang inyong sitwasyon?
Para sa akin, hindi. Kasalanan ko kung bakit ganito kami.

10. Sa kabila ng kahirapang dinaranas niyo may mga bagay pa ba na nagpapasaya sa inyo?

Oo, kapag kasama ko ang pamilya ko. Basta kumpleto masayana ako kahit mahirap.
Pangalan: Nestor Catubig Blg. ng Anak: 3
Lokasyon: Manlunas Avenue


1. Gaano kayo katagal na walang tirahan?

Mula pa noong 2002.

2. Nakakatulog pa ba kayo ng maayos sa gabi? Bakit o Bakit hindi?

Siyempre hindi. Mahirap. Delikado matulog sa labas. Lalo na kapag may bagyo, nagkakasakit ang mga anak ko. Namomoreblema ako kung may makakain pa kami bukas.

3. Ano ang dahilan ng pagkawala ng iyong tirahan?

Nasunugan kami. Sinubukan kong tumira kami sa kamag-anak namin, nung una tinanggap nila kami, pero nung kinalaunan, nagpaparinig sila. Minsan nga inaapi yung mga anak ko kaya umalis na lang kami.

4. Paano kayo nakakabili o nagkakaroon ng pangangailangan sa araw-araw?

Namamalimos na lang. Pero mahirap na rin ang buhay ngayon, mahirap rin buhay ng mga tao ngayon.

5. Kuntento na ba kayo sa pamumuhay ninyo? Bakit o bakit hindi?

Siyempre hindi, masarap pa rin ang buhay na may bahay.

6. Umaasa pa ba kayo na balang araw ay magkakaroon ulit kayo ng tirahan?

Oo naman kahit sino naman ata di ba?

7. Anu-ano ang pinagkaiba ng pamilyang may tirahan sa wala?

Wala silang pinoproblema sa kanilang pang araw-araw

8. Gaano kahirap mabuhay ng walang bahay?

Mahirap, buti pa nga ung mga criminal, maayos ang tulugan kahit sa preso sila. May siguradong makakakain. Naisipan ko na rin gumawa ng krimen para makulong. Pero iniisip ko ang mga anak ko.

9. Sa inyong palagay, maaari ninyo bang isisi sa gobyerno ang inyong sitwasyon?

Oo, kung yung kinurakot nila eh pantulong nila at pinambahay sa mga tulad namin.

10. Sa kabila ng kahirapang dinaranas niyo may mga bagay pa ba na nagpapasaya sa inyo?

Masaya na ako kahit papano dahil sa tagal-tagal na wala kaming bahay, ito’t buhay pa kami. Inaasa na lang namin sa Kanya ang lahat.

Pangalan: Jose Verastigue Blg. ng Anak: 0
Lokasyon: Simoun St. Sampaloc, Manila


1. Gaano na katagal kayong walang tirahan?

Mula pa noong 2004.

2. Nakakatulog pa ba kayo ng maayos sa gabi? Bakit o Bakit hindi?

Noong una hindi talaga ako makatulog ng nasa ganitong kalagayan pero noong tumagal-tagal nasanay na din ako.

3. Ano ang dahilan ng pagkawala ng iyong tirahan?

Nasunog yoong dati kong tinitirahan.

4. Paano kayo nakakabili o nagkakaroon ng pangangailangan sa araw-araw?

Namamalimos ako kapag minsan o di kaya naman ay namumulot ng basura.

5. Kuntento na ba kayo sa pamumuhay ninyo? Bakit o bakit hindi?

Hindi dahil gusto ko makaranas man lamang ng kaginhawahan sa buhay bago ako mamatay.

6. Umaasa pa ba kayo na balang araw ay magkakaroon ulit kayo ng tirahan?

Umaasa ako, wala namang masama siguro.

7. Anu-ano ang pinagkaiba ng pamilyang may tirahan sa wala?

Wala silang problema tulad ng problema namin.

8. Gaano kahirap mabuhay nang walang tirahan?

Sobrang hirap.

9. Sa inyong palagay, maaari ninyo bang isisi sa gobyerno ang inyong sitwasyon?
Oo, kala ko nga bibigyan kaming mga palaboy ng matitirahan pero eto, hanggang ngayon palaboy pa rin ako.

10. Sa kabila ng kahirapang dinaranas niyo may mga bagay pa ba na nagpapasaya sa inyo?

Oo minsan, kapag may mga taong mababait na binibigyan ako ng makakain.
Pangalan: Rosalina Vallesteros Blg. ng Anak: 2
Lokasyon:

1. Gaano na katagal kayong walang tirahan?

Hindi ko matandaan pero nagsimula kami mawalan ng tirahan noong hinagupit tayo ng malakas na bagyo na si Milenyo.

2. Nakakatulog pa ba kayo ng maayos sa gabi? Bakit o Bakit hindi?

Hindi, dahil malamig kapag gabi at mahirap makatulog sa kung saan saan lamang.

3. Ano ang dahilan ng pagkawala ng iyong tirahan?

May bahay kami dati sa squatter, pero ayun nga sinalanta ng bagyo yoong bahay namin hindi na rin kami nakabalik. Wala naman akong pera para magkaroon kami ng maayos na masisilungan.

4. Paano kayo nakakabili o nagkakaroon ng pangangailangan sa araw-araw?
Ako, nagpupulot ako ng basura yoong dalawa kong anak namamalimos sila.

5. Kuntento na ba kayo sa pamumuhay ninyo? Bakit o bakit hindi?

Hindi, napakahirap ng ganitong klaseng buhay ano!

6. Umaasa pa ba kayo na balang araw ay magkakaroon ulit kayo ng tirahan?
Oo naman, ayoko tumanda ang mga anak ko na walang tirahan.

7. Anu-ano ang pinagkaiba ng pamilyang may tirahan sa wala?

Sila masaya,hindi na nila pinoproblema ang hirap ng buhay. Nakakatulog sila ng maayos tuwing gabi.

8. Gaano kahirap mabuhay nang walang tirahan?

Mahirap, sobrang hirap.

9. Sa inyong palagay, maaari ninyo bang isisi sa gobyerno ang inyong sitwasyon?
Oo, masyado silang pabaya. Hindi nila kami iniintindi, hinahayaan nila na manatili kami sa ganitong kalagayan.

10. Sa kabila ng kahirapang dinaranas niyo may mga bagay pa ba na nagpapasaya sa inyo?

Oo, ang mayroon kaming pagkain at ang makakain kami ng ayos sa isang araw ay sapat na sa akin yoon.

JERIC OCAMPO

Isa siyang masayahing bata na nakita namin pagkatapos naming kumain ng tanghalian. Pansin na pansin mo sa kanya na napakamasayahin niyang bata parang hindi niya inaalintana ang hirap na kanyang dinaranas. Isa siya sa mga batang wala nang tahanang masilungan. Labindalawang taong gulang pa lamang siya ngunit ito na ang kanyang buhay na tinatahak. Ang totoo niyan meron naman talaga siyang bahay dati ngunit mas pinili niyang manatili at matulog sa kalsada dahil mas masaya siya kung ang mga kaibigan niya ang kapiling niya. Lumayas siya dahil mas gusto niyang maging malaya at gawin ang lahat ng kanyang naisin. Sa pamamagitan ng pamamalimos, pagpupunas ng mga sapatos at pamumulot ng basura napapakain niya ang kanyang sarili. Sa edad na 12, natuto siyang manigarilyo at ng iba pang bisyo pero kahit nah ganoon ang kalagayan niya may mga naging pangarap din siya, ninanais niya sana na maging isang “seaman”, nangangarap siyang makaahon pa mula sa kahirapan ngunit ang lahat ng kanyang pangarap ay tila mananatili na lamang pangarap.

JOHN MICHAEL MARINO
Ang batang ito ay napaka-tahimik, makikita mo lang siya na nakaupo sa isang lugar at tila naghihintay ng kung ano mula sa kawalan. Tuwing umaga, madalas siyang makita ng mga tao na tulog at nakahiga lamang sa isang tabi. Ang batang ito ay walang imik at tila ayaw kaming kausapin, parang may kinatatakutan siya na kung anu. At aming napag-alaman na dati pala siyang taga-Cavite, may bahay sila roon. Lumayas siya ng kanilang bahay dahil sa pagmamalupit ng kanyang sariling ama. Mas kaya niyang tiisin ang malamig na gabi, ang matigas na tulugan at ang mga nangbubulabog na mga lamok kaysa mahagupit ng matigas na bagay sa kanilang tahanan. Nabubuhay siya sa pamamagitan ng paghingi ng pagkain at pamumulot ng basura. Kahit na mahirap ang buhay niya sa kalsada hindi na daw niya nanaisin pang bumalik sa malupit na kamay ng kanyang ama.

X. Konklusyon

X. KONKLUSYON

Ang kawalan ng tirahan ay dulot ng mga bagay na hindi kaagad naaksyonan o mga maling desisyon na nakasasama sa kanila. Pangunahing sanhi nito ay ang kawalan ng murang pabahay para sa mga mahihirap. Pangalawa rito ay ang pagkasira ng ulo, sakit, pag-abuso sa mga ipinagbabawal na gamot, kakulangan sa determinasyon sa paghahanapbuhay, at iba pa. Ang National Law Center for Homelessness and Poverty ay naghayag na mahigit 3 milyong lalaki, babae, at mga bata ang walang tirahan noong nakaraang taon –mga 30% lamang sa kanila ang pansamantala lamang. Dahil dito ginawa nilang pansamantalang tirahan at matutuluyan ang mga ospital, simbahan, kalye pati na ang madilim na silid sa likuran ng mga rehas na bakal.

Liban sa 3 milyong walang tirahan, mayroong ding 5 milyong mga mahihirap na taong inilalaan ang kalahati ng kanilang kinikita para sa upa sa tinutuluyan, na nauuwi rin naman sa wala at nanganganib na ring mapabilang sa mga taong walang sariling tirahan. Isang disgrasya, maliit na pagkautang o sa isang simpleng karamdaman lamang, ay maaari nang maging dahilan ng tiyak na pagkawala ng kanilang tirahan.

Ayon sa nakalap naming impormasyon, ang pinakamainam na tulong para sa mga taong ito ay trabahong tutugon sa kanilang mga pangangailangan, tulungan sa paghahanap ng tirahan na kung saan ito’y sapat sa kanilang bilang at siyempre sa antas ng kanilang kikitain. Samantala, ang kanilang natatanggap ay mga damit, at tulong-benepisyo, sabihin nating makatutulong ang mga ito, subalit ‘di naman ito ang naturang lunas sa pangunahing problema na kanilang kinakaharap. Iilan lamang ang nakakatanggap ng suwerte na mabigyan o matulungan man lamang sa paghahanap ng matitirhan, marahil na rin siguro, sa antas ng ating ekonomiya sa ngayon, ay malayong magkaroon nga sila ng bahay. Bahay na dapat sana’y isa, para sa isang pamilya.
Matapos ang mahaba at nakakapagod na obra, masasabi naming ang mapabilang sa mga taong walang tiraharan ay tila isang sisiw na nabasagan ng kanyang saplot na itlog at lumabas sa mundong salat sa pag-aaruga ng magulang na inahin. Hindi namin maubos maisip kung paano nila tinatawid ang araw-araw na buhay sa ganitong sitwasyon. Napakahirap mawalan ng tirahan. At sa bihis ng kanilang mga mukha ay masasalamin ‘di lang ang lungkot na dala ng kawalan ng tirahan, pati na rin ang pait ng pagiging salat sa atensyon at pag-unawa nating mas angat sa kanila. Napatunayan ng pagsususuring ito na ang kawalan ng tirahan ng mga tao ay hindi dapat sinisisi sa kanila. Hindi nila ginusto ang buhay na ganoon. Mga kalamidad tulad ng lindol, pagguho ng lupa, bagyo at iba pang mga hindi inaasahang bagay ang minsan di’y dahilan ng mga ito. Sa mga kabataang palaboy-laboy sa lansangan, kalupitan ng magulang ang kadalasang dahilan. Wala tayong karapatan upang sisihin sila sa kanilang kinahinatnan. Pagtanggap at pag-unawa na lamang sana kung ‘di man tayo makatutulong sa kanila.

XI. Sanggunian

XI. SANGGUNIAN
Ø
www.wikipedia.com
Ø www.sciencecourseware.com
Ø www.cnn.com
Ø www.landsliderecords.com
Ø www.typhoonline.com
Ø www.gov.ph
Ø www.ipsl.org/programs/philippines
Ø www.yahoo.com

MGA TAGAPAGSALIKSIK

MGA TAGAPAGSALIKSIK

Pangalan: Krishna Iyra Maree Martirez
Edad: 16
E-mail address:
krishnaiyramaree_09@yahoo.com


Pangalan: Jimmy Ngo
Edad: 17
E-mail address:
blacksky_jimmy@yahoo.com

Pangalan: Rhejean Ragas
Edad: 17
E-mail address:
rhejean_07_12@yahoo.com


Pangalan: Noelene Veran
Edad: 16
E-mail address:
nickz_15_bubchen@yahoo.com